Ameba Ownd

アプリで簡単、無料ホームページ作成

Mga Pagbigkas ng Bumalik na Panginoong Jesus|Mga Salita tungkol sa Kung Paano Maging Matapat na Tao

2019.11.09 21:25

84. Kailangan ninyong malaman na gusto ng Diyos ang matapat na tao. Ang Diyos ay may diwa ng katapatan, kaya’t ang Kanyang salita ay palaging mapapagkatiwalaan. Higit pa, ang Kanyang mga pagkilos ay walang kapintasan at hindi mapag-aalinlanganan. Ito ang dahilan kung bakit gusto ng Diyos yaong mga lubos na matapat sa Kanya. Ang ibig sabihin ng katapatan ay ang ibigay ang inyong puso sa Diyos; huwag kailanman maging huwad sa Kanya sa anumang bagay; maging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi kailanman nagtatago ng katotohanan; huwag kailanman gawin yaong nanlilinlang sa mga nakatataas at nagliligaw sa mga nasa ibaba; at huwag kailanman gawin yaong pagmamagaling lamang ng iyong sarili sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay ang pag-iwas sa karumihan sa mga kilos at salita, at ang hindi manlinlang ng Diyos o tao. Ang sinasabi Ko ay napakasimple ngunit para sa inyo ito’y dobleng pahirap. Karamihan ay mas nanaising maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang buong katapatan. Hindi nga kataka-taka na may iba Akong pagtrato na nakalaan para sa mga di-matapat. Sabihin pa, naiintindihan Ko nang maigi ang malaking paghihirap na hinaharap ninyo sa pagsusumikap na maging isang matapat na tao. Kayong lahat ay masyadong matatalino at bihasang sumukat ng isang maginoo gamit ang inyong sariling kapos na panukat; yamang ganito, mas napapadali ang Aking gawain. At yamang bawat isa sa inyo ay nagtatago ng mga lihim sa inyong puso, kung gayon, isa-isa Ko kayong ipadadala sa kapahamakan upang “matuto” kayo sa pamamagitan ng apoy, upang pagkatapos noon ay lubos kayong maging determinado sa inyong paniniwala sa Aking mga salita. Sa huli, aagawin Ko mula sa inyong mga bibig ang mga salitang “Ang Diyos ay Diyos ng katapatan,” kung saan inyong dadagukan ang inyong mga dibdib at mananaghoy “Walang-direksyon ang puso ng tao!” Ano ang inyong magiging kalagayan ng isipan sa sangandaang ito? Pakiwari Ko’y hindi kayo masyadong madadala ng pagpapahalaga-sa-sarili kagaya ng kung ano kayo ngayon. At lalong hindi kayo magiging “lubhang napakalalim upang maarok” kagaya ng kung ano kayo ngayon. Ang iba ay matino at maayos kung kumilos at tila lalong “pinong kumilos” sa presensiya ng Diyos, ngunit nagiging suwail at lubusang nawawalan ng lahat ng pagpipigil sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganoong tao sa hanay ng mga matapat? Kung ikaw ay isang ipokrito at isa na bihasang makipagsosyalan, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay tiyak na isa na nagwawalang-bahala sa Diyos. Kung ang iyong mga salita ay puno ng mga pagdadahilan at walang-kabuluhang mga pangangatwiran, kung gayon sinasabi Ko na ikaw ay isa na lubhang nasusuklam na magsagawa ng katotohanan. Kung marami kang mga itinatago na atubili kang ibahagi, at kung ayaw na ayaw mong ilantad ang iyong mga lihim—ibig sabihin, ang iyong mga paghihirap—sa harap ng iba upang sa gayon ay hanapin ang daan ng liwanag, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isa na hindi madaling makakatanggap ng kaligtasan at hindi kaagad makakaahon mula sa kadiliman. Kung ang paghahanap sa daan ng katotohanan ay nakalulugod sa iyo nang mabuti, kung gayon, ikaw ay isa na laging nananahan sa liwanag. Kung galak na galak kang maging isang tagapagsilbi sa tahanan ng Diyos, masipag at matapat na gumagawa nang nakakubli, laging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isang matapat na tao lamang. Kung handa kang maging lantad, kung handa kang gugulin ang iyong lahat-lahat, kung kaya mong isakripisyo ang iyong buhay para sa Diyos at tumayong saksi, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

—mula sa “Tatlong Paalaala” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

85. Mahalaga sa inyo ang inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo maingat na maingat na ginawa ang mga bagay, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Gayon pa man, hindi ba ninyo naisip na kung ang mga pagsusumikap na ginugugol ng isa ay para lamang sa kanilang hantungan, walang-saysay na pagsisikap lamang ang mga ito? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga ito. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para sa kanilang hantungan ay tatanggap ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang mga kabiguan sa paniniwala ng mga tao sa Diyos ay nangyayari nang dahil sa panlilinlang. Nasabi Ko na dati na hindi Ko ninanais na bolahin o kunyari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko ng mga matapat na taong haharap sa Aking katotohanan at mga inaasahan. Higit pa rito, nais Ko kapag ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag maaari pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso.

—mula sa “Hinggil sa Patutunguhan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

86. Pagsisikap na matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at napakasimple lamang isagawa ito. Dapat kang magsimula sa pagiging matapat na tao at pagsasabi ng totoo, at buksan ang puso mo sa Diyos. Kung may isang bagay na hiyang-hiya kang sabihin sa mga kapatid mo, dapat kang lumuhod at sabihin iyon sa Diyos sa panalangin. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagiging matapat sa Kanya. Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nasa puso mo; huwag kang sumambit ng mga salitang walang katuturan o magtangkang lokohin Siya. Kung naging mahina ka, sabihin mong naging mahina ka; kung naging masama ka, sabihin mong naging masama ka; kung nanloko ka, sabihin mong nanloko ka; kung nagkaroon ka ng masasama at walang-kabuluhang kaisipan, sabihin mo iyon sa Diyos. Kung lagi kang nakikipag-agawan sa katungkulan, sabihin mo rin iyan sa Kanya. Hayaan mong disiplinahin ka ng Diyos; hayaan mong magsaayos Siya ng isang kapaligiran para sa iyo. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos na malampasan ang lahat ng paghihirap mo at tulungan kang lutasin ang lahat ng problema mo. Dapat mong buksan ang iyong puso sa Diyos; huwag mo Siyang pagsarhan. Kahit pagsarhan mo pa Siya, nakikita pa rin Niya ang nasasaloob mo, nguni’t kung magtatapat ka sa Kanya, matatamo mo ang katotohanan. Kaya, aling landas ang sasabihin mong dapat mong piliin? Kung nais ng mga tao na matamo ang katotohanan, dapat silang magsimula sa pagiging matapat, at huwag magkunwari sa anumang paraan. … Nabubuksan lamang ang puso mo kung ikaw ay nagiging matapat, at kapag nabuksan na ang puso mo, saka lamang nakakapasok ang katotohanan sa iyo at, kapalit nito, nauunawaan at natatamo mo ito. Kung laging nakasara ang puso mo, at hindi ka nagsasabi ng totoo kaninuman, at lagi kang umiiwas, kalaunan ay sisirain mo ang sarili mo, at hindi ka makakaunawa o makakatamo ng anumang mga katotohanan.

—mula sa “Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

87. Upang maging tapat, dapat unahin mong ilantad ang iyong puso upang makita ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at makita ang iyong totoong mukha; hindi ka dapat magpanggap o subukang pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ang saligang pagsasagawa ng pagiging tapat, at pangunang kailangan ito. Palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring may kabanalan, pagkamarangal, kadakilaan, at mataas na moralidad. Hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kakulangan. Inihaharap mo ang huwad na larawan sa mga tao, upang maniwala sila na ikaw ay kagalang-galang, dakila, mapagtimpi, walang pinapanigan, at di-makasarili. Ito ay panlilinlang. Huwag magpanggap at huwag itanghal ang sarili; sa halip, ilantad ang sarili at ilantad ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, iyan ay, kung mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at binabalak gawin sa iyong puso—hindi alintana kung positibo o negatibo man ito—sa gayon hindi ka ba nagiging tapat? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, makikita ka rin ng Diyos, at magsasabing: “Nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, at kung gayon sa harap Ko ay tiyak na tapat ka rin.” Kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos nang hindi nakikita ng iba, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o makatarungan at di-makasarili sa harap nila, kung gayon ano ang iisipin ng Diyos at ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin ng Diyos: “Ikaw ay talagang mapanlinlang, ikaw ay totoong mapagpaimbabaw at hamak, at hindi ka tapat.” Kokondenahin ka ng Diyos nang gayon. Kung nais mo na maging matapat, kung gayon anuman ang iyong gawin sa harap ng Diyos o ng mga tao, dapat makaya mong magbukas at ilantad ang sarili mo.

—mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

88. Sa panahong ito, ang karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga pagkilos sa harap ng Diyos, at samantalang maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Ang anumang hindi makakayanan ang pagmamasid ng Diyos ay hindi kaayon ng katotohanan at dapat na isantabi, kundi ito ay isang kasalanan sa Diyos. Kaya, hindi alintana maging ito man ay kapag nananalangin ka, kapag ikaw ay nakikipag-usap o nakikibahagi sa iyong mga kapatid na babae at mga kapatid na lalaki, o kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain, kailangan mong ilaan ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kapag natupad mo ang iyong tungkulin, ang Diyos ay kasama mo, at hangga’t ang iyong hangarin ay tama at ito ay para sa gawain ng bahay ng Diyos, tatanggapin ng Diyos ang lahat mong ginagawa, kaya buong taimtim mong ialay ang iyong sarili sa pagtupad ng iyong tungkulin. Kapag ikaw ay nananalangin, kung mayroon kang pag-ibig para sa Diyos sa iyong puso at kung ikaw ay naghahangad sa malasakit, pag-iingat, at pagmamasid ng Diyos, kung ito ang iyong mga hangarin, ang iyong mga panalangin ay magiging mabisa. Halimbawa, kapag ikaw ay nananalangin sa mga pagtitipon, kung bubuksan mo ang iyong puso at mananalangin sa Diyos at sasabihin sa Diyos kung ano ang nasa iyong puso nang hindi mangungusap ng mga kasinungalingan—kung gayon ang iyong mga panalangin ay magiging mabisa.

—mula sa “Ginagawang Perpekto ng Diyos Yaong Mga Naghahangad sa Kanyang Puso” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

89. Sa araw na ito, wala sa mga hindi maaaring tumanggap sa pagmamasid ng Diyos ang makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, at sinuman ang hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi magiging perpekto. Tingnan ang iyong sarili at itanong kung lahat ng iyong ginagawa ay maaaring dalhin sa harapan ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harapan ng Diyos, ipinakikita nito na ikaw ay manggagawa ng masama. Ang mga manggagawa ba ng masama ay maaaring gawing perpekto? Ang lahat ng iyong ginagawa, bawat pagkilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat na dalhin sa harapan ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na buhay espirituwal—ang iyong mga panalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, ang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, ang pakikibahagi sa iyong mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, ang pamumuhay ng buhay sa iglesia, at ang iyong paglilingkod sa iyong tambalan—ay dapat dalhin sa harapan ng Diyos at mamasid Niya. Ito ang uri ng pagsasagawa na makatutulong sa iyo na umunlad sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagmamasid ng Diyos ay ang proseso ng pagdadalisay. Habang lalo mong tinatanggap ang pagmamasid ng Diyos, mas lalo kang dinadalisay, at lalo kang umaayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi mo maririnig ang tawag ng kabuktutan at pagkagumon sa kasamaan, at ang iyong puso ay mabubuhay sa harap Niya. Mas lalo mong tinatanggap ang pagmamasid Niya, mas lalong nahihiya si Satanas at mas nakakaya mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagmamasid ng Diyos ay isang landas na dapat isagawa ng mga tao. Maging anuman ang iyong ginagawa, maging sa panahon ng iyong pagbabahagi sa iyong mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, kung dadalhin mo ang iyong mga pagkilos sa harap ng Diyos at hahangarin ang Kanyang pagmamasid, at kung ang iyong hangad ay upang sundin ang Diyos Mismo, ang iyong pagsasagawa ay magiging mas tama. Kung dinadala mo lamang ang lahat ng iyong ginagawa sa harapan ng Diyos at tinatanggap ang Kanyang pagmamasid saka ka pa lamang magiging isang tao na tunay na nabubuhay sa harapan ng Diyos.

—mula sa “Ginagawang Perpekto ng Diyos Yaong Mga Naghahangad sa Kanyang Puso” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

90. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa iyong kalooban, kung ikaw ay may tala ng pagdurusa para sa Diyos, at kung nakapagpasakop ka na nang ganap sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, kung gayon nananatili sa iyong kalooban ang pagiging masuwayin, ang panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil ang iyong puso ay malayo sa katapatan, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman nakapamuhay sa liwanag. Kung ano ang magiging kapalaran ng isa sa katapusan ay nakabatay sa kung siya ay may pusong matapat at simpula ng dugo, at kung siya ay may dalisay na kaluluwa. Kung ikaw ay isang taong lubhang hindi matapat, may pusong masama ang hangarin, at marumi ang kaluluwa, nakatitiyak ka na hahantong ka sa lugar kung saan ang tao ay pinarurusahan, tulad ng nakasulat sa talaan ng iyong tadhana. Kung inaangkin mo na ikaw ay lubhang matapat, subalit hindi ka kailanman makakilos alinsunod sa katotohanan o makapagsabi ng isang katotohanan, naghihintay ka pa rin ba na gantimpalaan ka ng Diyos? Inaasahan mo pa rin ba na ituturing ka ng Diyos na katangi-tangi sa Kanyang mata? Hindi ba’t ang pag-iisip na ito ay walang katuturan? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay, kaya paanong matatanggap ng tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—mula sa “Tatlong Paalaala” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

91. Walang kalikuan o panlilinlang sa mga disposisyon ng mga normal na tao, may normal na relasyon sa isa’t isa ang mga tao, hindi sila nag-iisa, at hindi katamtaman ni may-kabulukan ang kanilang buhay. Gayundin naman, mataas sa lahat ang Diyos, lumalaganap sa gitna ng tao ang Kanyang mga salita, namumuhay ang mga tao nang may kapayapaan sa isa’t isa at sa ilalim ng pag-aalaga at pag-iingat ng Diyos, napupuspos ng pagkakasundo ang lupa, nang walang panghihimasok ni Satanas, at ang kaluwalhatian ng Diyos ang itinuturing na pinakamahalaga sa gitna ng tao. Ang gayong mga tao ay tulad ng mga anghel: dalisay, masisigla, hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa Diyos, at ginugugol ang lahat ng kanilang mga pagsisikap para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

—mula sa “Kabanata 16” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao