Ameba Ownd

アプリで簡単、無料ホームページ作成

Mga Klasikong Salita tungkol sa mga Hiwaga ng Pagkakatawang-tao ng Diyos

2020.02.05 21:10

1. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Sila na itinuturing ang sarili nila bilang Cristo, nguni’t hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos ay mga manlilinlang. Ang Cristo ay hindi lang ang pagpapakita ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular na katawang-tao ring tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Ang katawang-taong ito ay hindi kayang palitan ng kahit na sinong tao lang, kundi ng isang taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at maaaring katawanin nang husto ang Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, yaong mga nagpapanggap na Cristo ay babagsak na lahat, dahil kahit sinasabi nila na sila ang Cristo, wala silang taglay na diwa ng Cristo. Kaya nga sinasabi Ko na ang pagiging-tunay ng Cristo ay hindi kayang tukuyin ng tao, nguni’t ito’y sinasagot at pinagpapasiyahan ng Diyos Mismo.

—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

2. Ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at Siya’y napaparito upang gumawa sa gitna ng mga tao na Kanyang nilikha sa larawan ng isang katawang-tao. Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawan, katawang-tao na may normal na pagkatao; ito ang pinakaunang dapat munang mangyari. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao.

—mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

3. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo ay ang katawang pinasukan ng Espiritu ng Diyos. Ang katawang ito ay hindi katulad ng sinumang taong may katawan. Ang pagkakaibang ito ay dahil si Cristo ay hindi nagmula sa laman at dugo kundi pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi taglay ng sinumang tao. Ang Kanyang normal na katauhan ang sumusuporta sa lahat ng Kanyang normal na mga gawain sa katawang-tao, samantalang ang Kanyang pagka-Diyos ang nagsasakatuparan ng gawain ng Diyos Mismo. Maging ito man ang Kanyang pagkatao o pagka-Diyos, kapwa itong nagpapasakop sa kalooban ng Amang nasa langit. Ang diwa ni Cristo ay ang Espiritu, iyon ay, ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang Kanyang diwa ay yaong sa Diyos Mismo; ang diwa na ito ay hindi gagambala sa Kanyang sariling gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na nakasisira sa Kanyang sariling gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa Kanyang sariling kalooban. Samakatuwid, ang nagkatawang-taong Diyos ay siguradong hindi kailanman gagawa ng kahit anong gawain na nakagagambala sa Kanyang sariling pamamahala. Ito ang dapat maintindihan ng lahat ng tao.

—mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

4. Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkakaroon ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ang magkakaroon ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi niya napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

5. Nagkatawang-tao ang Diyos dahil ang pakay ng Kanyang gawain ay hindi ang espiritu ni Satanas, o anumang walang materyal na katawan, kundi ang tao, na may laman at nagawang tiwali na ni Satanas. Ito ay tiyak na dahil ang laman ng tao ay naging tiwali kaya nagawa ng Diyos ang taong maka-laman na pakay ng Kanyang gawain; bukod dito, sapagka’t ang tao ay ang pakay ng katiwalian, nagawa Niya ang tao na tanging layon ng Kanyang gawain sa lahat ng yugto ng Kanyang gawain ng pagliligtas. Ang tao ay isang nilalang na may kamatayan, na may laman at dugo, at ang Diyos lamang ang tanging Isa na maaaring magligtas sa tao. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay dapat maging isang katawang-tao na nagtataglay ng parehong mga katangian bilang tao upang gawin ang Kanyang gawain, upang makamit ng Kanyang gawain ang mas mahusay na mga epekto. Kailangang maging katawang-tao ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain dahil ang tao ay sa laman, at hindi kayang pagtagumpayan ang kasalanan o alisin ang kanyang sarili sa laman.

—mula sa “Ang Tiwaling Sangkatauhan ay Higit na Nangangailangan ng Pagliligtas ng Diyos na Naging Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

6. Walang sinumang mas angkop, at karapat-dapat, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng katawan ng tao. Kung ang paghatol ay isinagawa nang direkta ng Espiritu ng Diyos, kung gayon ito ay hindi magiging para sa lahat. Bukod dito, ang gayong gawain ay magiging mahirap para sa tao na tanggapin, sapagka’t ang Espiritu ay hindi kayang lumapit nang harap-harapan sa tao, at dahil dito, ang mga epekto ay hindi magiging agaran, lalong hindi makikita ng tao ang di-naaagrabyadong disposisyon ng Diyos nang lalong malinaw. Matatalo lamang nang lubusan si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Dahil tulad sa tao na nagtataglay ng normal na pagkatao, maaaring tuwirang hatulan ng Diyos sa katawang-tao ang kasamaan ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Diyos lamang ang karapat-dapat, at nasa posisyon, na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at katuwiran, kaya nga nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at katuwiran ay hindi akmang hatulan ang iba. Kung ang gawain na ito ay ginawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon ito ay hindi magiging tagumpay laban kay Satanas. Ang Espiritu ay likas na higit na mabunyi kaysa may kamatayang mga nilalang, at ang Espiritu ng Diyos ay likas na banal, at matagumpay sa laman. Kung direktang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng pagsuway ng tao, at hindi maaaring ibunyag ang lahat ng hindi pagkamatuwid ng tao. Sapagka’t ang gawain ng paghatol ay natutupad din sa pamamagitan ng mga pagkaintindi ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga pagkaintindi sa Espiritu, at sa gayon ang Espiritu ay hindi kaya ang mas mainam na pagbubunyag sa hindi pagkamatuwid ng tao, lalong hindi kaya ang ganap na pagsisiwalat ng gayong hindi pagkamatuwid. Ang nagkatawang-taong Diyos ay kaaway ng lahat ng tao na hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga pagkaintindi ng tao at pagsalungat sa Kanya, isinisiwalat Niya ang lahat ng pagsuway ng sangkatauhan. Ang mga epekto ng Kanyang gawain sa katawang-tao ay mas kitang-kita kaysa sa mga gawain ng Espiritu. At kaya, ang paghatol ng lahat ng sangkatauhan ay hindi natutupad nang direkta ng Espiritu, nguni’t ito ay gawain ng nagkatawang-taong Diyos. Ang Diyos sa katawang-tao ay makikita at mahihipo ng tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay maaaring ganap na lupigin ang tao. Sa kanyang relasyon sa Diyos sa katawang-tao, ang tao ay umuusad mula sa pagsalungat patungo sa pagsunod, mula sa pag-uusig patungo sa pagtanggap, mula sa pagkaintindi patungo sa kaalaman, at mula sa pagtanggi patungo sa pag-ibig. Ito ang mga epekto ng gawain ng nagkatawang-taong Diyos. Naliligtas lamang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol, unti-unti lamang na nakikilala Siya sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang bibig, nalulupig Niya sa panahon ng kanyang pagsalungat sa Kanya, at tumatanggap ng panustos ng buhay mula sa Kanya sa panahon ng pagtanggap ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ang gawain ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Espiritu.

—mula sa “Ang Tiwaling Sangkatauhan ay Higit na Nangangailangan ng Pagliligtas ng Diyos na Naging Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

7. Hayagang naging tao ang Diyos para sa layunin ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan, at, siyempre, kapag inihahatid Niya ang isang bagong kapanahunan, natapos na rin Niya ang naunang kapanahunan. Ang Diyos ay ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay na tinatalo Niya si Satanas at nilulupig ang mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng tao, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang konklusyon ng luma. At ang kawalang konklusyon ng luma ang patunay na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ay dumarating at nagdadala ng bagong gawain sa gitna ng tao na ganap na makakalaya ang tao mula sa sakop ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa lumang kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng lumang impluwensiya ni Satanas. Sa bawa’t kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay para sa lahat niyaong mga sumusunod sa Kanya. Kung ang sangkatauhang nilikha ay inakusahan ng pagtatapos ng kapanahunan, kung gayon iyon man ay sa pananaw ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagtataksil sa Diyos, hindi ng pagsunod sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magiging kasangkapan para kay Satanas. Magiging ganap na kumbinsido si Satanas kung tatalima at susunod lamang ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilalang. Kaya sinasabi ko na kailangan lamang ninyong sumunod at tumalima, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapanatili ng bawa’t isa sa kanyang tungkulin at pagganap ng kanyang gawain. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao para humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Niya isinasangkot ang Kanyang Sarili sa gawain ng mga nilalang. Gumaganap ang tao ng kanyang sariling tungkulin at hindi nakikialam sa gawain ng Diyos, at iyon ang tunay na pagsunod at patunay na natalo na si Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na naghatid sa bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo gumagawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan upang gampanan ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilalang. Ganyan ang mga alituntunin ng paggawa na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang matino at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang patakbuhin ang Kanyang gawain, at Siya rin ang tumatapos nito. Siya ang nagplaplano ng gawain, at Siya rin ang namamahala nito, at lalo na, Siya ang nagpapabunga sa gawain. Tulad ito ng nakasaad sa Biblia, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng may kaugnayan sa gawain ng Kanyang pamamahala ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang Tagapamahala ng anim-na-libong-taong plano sa pamamahala; walang sinuman ang makakagawa ng Kanyang gawain bilang kahalili Niya o magtatapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may kontrol ng lahat. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tatapusin Niya ang buong kapanahunan upang dalhin ang lahat ng Kanyang plano sa katuparan!

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

8. Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, iyon ay, iniligtas Niya ang tao mula sa krus, nguni’t ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas yaong mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad ay mapalaya mula sa kanilang mga kasalanan at magawang ganap na malinis, at magkamit ng pagbabago sa disposisyon, at sa gayon ay makakawala sa kapangyarihan ng kadiliman ni Satanas at makakabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring maging lubos na mapabanal ang tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa Kapanahunan ng Biyaya nang matapos na ang Kapanahunan ng Kautusan. Nitong mga huling araw, ganap na dadalisayin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paggawa ng gawain ng paghatol at pagkastigo sa tao para sa pagka-mapanghimagsik, saka tatapusin ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at papasok sa kapahingahan. Samakatuwid, sa tatlong yugto ng gawain, dalawang beses lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang isagawa Niya Mismo ang Kanyang gawain sa tao. Iyon ay dahil isa lamang sa tatlong yugto ng gawain ang pag-akay sa tao sa kanilang mga buhay, habang ang iba pang dalawa ay ang gawain ng pagliligtas. Tanging kung nagiging katawang-tao ang Diyos saka Siya maaaring mamuhay kasama ng tao, maranasan ang paghihirap ng mundo, at mamuhay sa isang ordinaryong laman. Tanging sa ganitong paraan Niya maaaring matustusan ang taong Kanyang nilikha ng praktikal na salitang kailangan nila. Ang tao ay nakakatanggap ng lubos na kaligtasan mula sa Diyos dahil sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi direkta mula sa kanilang mga panalangin sa langit. Sapagka’t ang tao ay makalaman; hindi kaya ng tao na makita ang Espiritu ng Diyos at lalong hindi niya kayang lapitan Siya. Ang kaya lamang na makasama ng tao ay ang katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; sa pamamagitan lamang Niya mauunawaan ng tao ang lahat ng salita at ang lahat ng katotohanan, at makakatanggap ng buong kaligtasan. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay sapat upang alisin ang mga kasalanan ng tao at ganap na dalisayin ang tao. Samakatuwid, ang pangalawang pagkakatawang-tao ay magdadala sa pagtatapos ng lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao at kukumpleto sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagkatapos noon, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay lubos na magtatapos. Pagkatapos ng ikalawang pagkakatawang-tao, hindi na Siya muling magiging katawang-tao para sa Kanyang gawain. Sapagka’t ang Kanyang buong pamamahala ay darating sa isang pagtatapos. Sa mga huling araw, ganap nang makakamit ng Kanyang pagkakatawang-tao ang Kanyang hinirang na bayan, at ang lahat ng tao sa mga huling araw ay mapaghihiwalay na ayon sa kanilang uri. Hindi na Niya gagawin ang gawain ng pagliligtas, ni hindi rin Siya babalik sa katawang-tao upang magsakatuparan ng anumang gawain.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

9. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na ang isang payak at normal na tao ay ginagawa ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, ginagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayo’y nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang katawang-tao, iyon ay, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawain na ginagawa Niya sa katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naging tunay sa katawang-tao, ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa katawang-tao ng Diyos ang maaaring tumupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; iyon ay, ang nagkatawang-taong Diyos lamang, itong karaniwang katauhan—at walang sinumang iba pa—ang makakapagpahayag ng maka-Diyos na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, ang Diyos ay hindi nagkaroon ng normal na katauhan bago Siya nag-dalawampu’t siyam na taong gulang—kung noong ipanganak Siya ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong matuto Siyang magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay naunawaan na Niya kaagad ang lahat ng makamundong mga bagay, na nahihiwatigan ang iniisip at mga intensyon ng bawat tao—hindi maaaring tawagin ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring tawagin ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganito ang nangyari kay Cristo, nawalan sana ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na katauhan ay nagpapatunay na Siya ang totoong Diyos na nagkatawang-tao; ang katotohanan na Siya ay sumailalim sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay may normal na katawan; at bukod doon, ang Kanyang gawain ay sapat na patunay na Siya ang Salita ng Diyos, Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao dahil sa mga pangangailangan ng gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, isagawa sa normal na katauhan. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita na naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos.

—mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

10. Sapagka’t ang Diyos ay nagkatawang-tao, Kanyang napapaging-tunay ang Kanyang diwa sa loob ng Kanyang katawang-tao, sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay sapat upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinapalitan ng gawain ni Cristo sa loob ng panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, at ang kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Ito ay hindi maaaring maihalo sa gawain mula sa kahit anong ibang kapanahunan. At mula nang nagkatawang-tao ang Diyos, Siya ay gumagawa sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang Siya ay nagkatawang-tao, tinatapos din Niya sa katawang-tao ang gawain na dapat Niyang gawin. Maging ito man ay ang Espiritu ng Diyos o ito man ay si Cristo, Sila ay kapwa Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.

—mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

11. Ang buhay na ipinamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa panahon ng Kanyang ministeryo ay isa na parehong pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Kung mula sa sandali ng Kanyang pagsilang ay masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng kahima-himalang mga tanda at kababalaghan, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na kakanyahan. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang katauhan para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na kakanyahan; hindi maaaring magkaroon ng katawan kung walang katauhan, at ang isang taong walang katauhan ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang katauhan ng katawan ng Diyos ay tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos Siya ay ganap na banal, hindi talaga tao,” ay isang kalapastanganan, dahil imposible itong panindigan, na lumalabag sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit pagkatapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Kanyang pagka-Diyos ay nananahan pa rin sa panlabas na balat ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; ito ay dahil nang panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang pahintulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang katauhan. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang nasa gawain, datapwa’t ito ay isang pagka-Diyos na nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; ang Kanyang gawain sa katunayan ay tinutupad sa pamamagitan ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Nguni’t ang tagaganap ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Maaaring sabihin ng isa na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagka’t ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may balat ng tao at diwa ng tao nguni’t mayroon ding diwa ng Diyos. Sapagkat Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nakakataas Siya sa sinuman sa mga taong nilikha, nakakataas sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may balat ng taong kagaya Niya, sa lahat ng nagtataglay ng katauhan, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Kahit lahat sila ay may katauhan, katauhan lamang ang mayroon ang mga taong nilikha, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may katauhan kundi ang mas mahalaga ay mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang katauhan ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, nguni’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap matalos. Dahil ang Kanyang pagka-Diyos ay naipapahayag lamang kapag Siya ay may katauhan, at hindi kahima-himalang tulad ng palagay ng mga tao, lubhang mahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon lubos na mahirap para sa mga tao na arukin ang totoong diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Sa katunayan, kahit pagkatapos Kong magsalita tungkol dito nang ganoon kahaba, inaasahan Ko na ito ay isa pa ring misteryo sa karamihan sa inyo. Ang isyung ito ay napakasimple: Yamang ang Diyos ay nagiging tao, ang Kanyang diwa ay kumbinasyon ng pagkatao at pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.

—mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

12. Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawan; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na katauhan at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na gawain. Maaaring sabihin ng isang tao na umiiral ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawan. Kung ang katawang ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na isipan ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawan, at hindi maisasakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawan. Kahit ang nagkatawang-taong Diyos ay nagtataglay ng normal na isipan ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng pantaong kaisipan; isinasabalikat Niya ang gawain sa katauhan na may normal na isipan, sa ilalim ng patiunang-kundisyon na nagtataglay Siya ng pagkatao na may isipan, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na pag-iisip ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nagdadala ng tatak ng pangangatwiran o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng isipan ng Kanyang katawang-tao, kundi direktang pagpapahayag ng maka-Diyos na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang lahat ng Kanyang gawain ay ang ministeryo na kailangan Niyang tuparin, at wala rito ang anumang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, ang pagpapagaling sa maysakit, ang pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pantaong isipan, hindi matatamo ng kahit sinong tao na may pantaong isipan. Gayundin, ang mapanlupig na gawain ngayon ay ang ministeryo na dapat magawa ng nagkatawang-taong Diyos, nguni’t hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawain na dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawain na walang kahit sinong tao ang may kaya. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magtaglay ng isang normal na isipan ng tao, dapat magtaglay ng karaniwang pagkatao, dahil dapat Niyang gampanan ang Kanyang gawain sa katauhan na may normal na isipan. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.

Bago ginampanan ni Jesus ang gawain, Siya’y namuhay lamang sa Kanyang karaniwang pagkatao. Walang sinuman ang makakapagsabi na Siya ay Diyos, walang sinuman ang nakaalam na Siya ay nagkatawang-taong Diyos; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na payak, normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang kapanahunan ng paggawa ng nagkatawang-taong Diyos, hindi ang kapanahunan ng paggawa ng Espiritu. Ito ay patunay na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naging totoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang Kanyang katawang-tao ay gagawa ng lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristo na may normal na katauhan ay isang katawan kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng normal na katauhan, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng “maging totoo” ay nagiging tao ang Diyos, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa isang katawang may normal na katauhan, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao.

—mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

13. Ang Diyos ay nakarating sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain sa gitna ng tao, upang personal na ibunyag sa tao ang Sarili Niya, at tulutan ang tao na mapagmasdan Siya; ito ba ay maliit na bagay? Ito ay tunay na mahalagang bagay! Hindi ito gaya ng iniisip ng tao na ang Diyos ay dumating nang sa gayon ay makita Siya ng tao, nang sa gayon ay maaaring maunawaan ng tao na ang Diyos ay tunay at hindi malabo o hungkag, at na ang Diyos ay mataas ngunit mapagkumbaba rin. Ganoon lang kaya ito kasimple? Tiyak na dahil natiwali na ni Satanas ang laman ng tao, at ang tao ang siyang hinahangad iligtas ng Diyos, kaya kailangang magkatawang-tao ang Diyos upang makipagdigma kay Satanas at upang personal na akayin ang tao. Ito lamang ang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Ang dalawang katawang-tao ng Diyos ay umiral upang talunin si Satanas, at umiral din upang mas mabisang iligtas ang tao. Iyon ay dahil ang siyang nakakagawa ng pakikipagdigma kay Satanas ay ang Diyos lamang, maging ito man ay ang Espiritu ng Diyos o ang katawang-tao ng Diyos. Sa madaling sabi, ang siyang nakakagawa ng pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang mga anghel, lalong hindi ito ang tao, na nagawa nang tiwali ni Satanas. Walang kapangyarihan ang mga anghel na gawin ito, at ang tao ay lalo pang mas inutil. Sa gayon, kung ninanais ng Diyos na gawaan ang buhay ng tao, kung ninanais Niyang personal na pumunta sa lupa upang gawaan ang tao, kung gayon ay kailangan Niyang personal na maging katawang-tao, iyon ay, kailangan Niyang personal na ibihis ang katawang-tao, at taglay ang Kanyang likas na pagkakakilanlan at ang gawain na kailangan Niyang gawin, pumunta sa gitna ng tao at personal na iligtas ang tao. Kung hindi, kung ang Espiritu ng Diyos o ang tao ang gumawa ng gawaing ito, kung gayon ang digmaang ito ay mabibigo magpakailanman na kamtin ang epekto nito, at hindi matatapos kailanman. Tanging kapag ang Diyos ay nagiging katawang-tao upang personal na makipagdigma laban kay Satanas sa gitna ng tao na nagkakaroon ng pagkakataon ang tao sa kaligtasan. Bilang karagdagan, sa gayon lamang napapahiya si Satanas, at naiiwang walang anumang mga pagkakataon na sasamantalahin o anumang mga plano na isasakatuparan. Ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay di-nakakamit ng Espiritu ng Diyos, at lalo pang hindi makakayang gawin sa pangalan ng Diyos ng sinumang tao na makalaman, sapagkat ang gawain na Kanyang ginagawa ay para sa kapakanan ng buhay ng tao, at upang baguhin ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung ang tao ay makikisali sa digmaang ito, tatakas lamang siya sa kahabag-habag na kaguluhan, at hindi kakayaning basta baguhin ang tiwaling disposisyon ng tao. Hindi Niya kakayaning iligtas ang tao mula sa krus, o lupigin ang lahat ng mapaghimagsik na sangkatauhan, kundi makakaya lamang na gumawa ng kaunting lumang gawain batay sa prinsipyo, o kaya ay anupamang gawain na walang kaugnayan sa pagkatalo ni Satanas. Kaya bakit mag-aabala? Ano ang kabuluhan ng gawain na hindi nakakatamo sa tao, lalong hindi nakakatalo kay Satanas? At kaya, ang digmaan laban kay Satanas ay maisasakatuparan lamang ng Diyos Mismo, at hindi basta nakakayang gawin ng tao. Ang tungkulin ng tao ay tumalima at sumunod, sapagkat hindi kayang gawin ng tao ang gawain ng pagbubukas ng bagong kapanahunan, ni, higit pa rito, naisasakatuparan niya ang gawain ng pakikipagdigma kay Satanas. Mapapasaya lamang ng tao ang Lumikha sa ilalim ng pangunguna ng Diyos Mismo, kung saan sa pamamagitan nito ay natatalo si Satanas; ito lamang ang isang bagay na magagawa ng tao. At kaya, sa tuwing nagsisimula ang isang bagong digmaan, na ang ibig sabihin, sa tuwing nagsisimula ang gawain ng bagong kapanahunan, ang gawaing ito ay personal na ginagawa ng Diyos Mismo, kung saan sa pamamagitan nito ay pinangungunahan Niya ang buong kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong landas para sa kabuuan ng sangkatauhan. Ang bukang-liwayway ng bawat isang bagong kapanahunan ay isang bagong simula sa pakikipagdigma kay Satanas, kung saan sa pamamagitan nito pumapasok ang tao sa mas bago, mas magandang kinasasaklawan at isang bagong kapanahunan na personal na pinangungunahan ng Diyos Mismo.

—mula sa “Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

14. Sa yugto ng panahon na ang Panginoong Jesus ay gumagawa, makikita ng mga tao na ang Diyos ay nagkaroon ng maraming pantaong pagpapahayag. Halimbawa, maaari Siyang sumayaw, maaari Siyang makadalo sa mga kasalan, maaari Siyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at tumalakay ng mga bagay sa kanila. Bilang karagdagan doon, ang Panginoong Jesus ay nakabuo rin ng napakaraming gawain na sumasagisag sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay napagtanto sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahipo ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap, na hindi nila magagawang makalapit sa Kanya. Sa halip, maaari nilang subukang unawain ang kalooban ng Diyos o intindihin ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, ng mga salita, at ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-tao na Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kalooban at disposisyon ng Diyos, Kanya ring ibinunyag sa mga tao ang Diyos na hindi makikita o mahihipo sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo, nahihipo at may laman at mga buto. Kaya ang nagkatawang-tao na Anak ng tao ay gumawa ng mga bagay gaya ng sariling pagkakakilanlan, katayuan, larawan, disposisyon ng Diyos, at ang kung anong mayroon at kung ano Siya ay kongkreto at makatao. Bagama’t ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao ay mayroong ilang limitasyon na may kinalaman sa larawan ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kinakatawan ang sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos—mayroon lamang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi alintana kung ito man ay ang pagkatao ng Anak ng tao o ang Kanyang pagka-Diyos, hindi natin maitatanggi na kinakatawan Niya ang sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa panahong ito, gayunman, gumawa ang Diyos sa katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na masagupa at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa gitna ng sangkatauhan. Ito ay nagtulot din sa mga tao ng kaunawaan sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin upang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at paunang pakahulugan sa pagiging tunay at realidad ng Diyos. Bagama’t ang gawain na nakumpleto ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan sa paggawa, at ang pananaw kung paano Siya nagsasalita ay kaiba mula sa totoong persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat ng bagay tungkol sa Kanya ay talagang kumakatawan sa Diyos Mismo na hindi pa kailanman nakita ng mga tao noon—hindi ito maitatanggi! Na ang ibig sabihin, kahit na sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, kahit na sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang larawan Siya humaharap sa sangkatauhan, walang kinakatawan ang Diyos kundi ang Diyos Mismo. Hindi Niya maaaring katawanin ang sinumang tao—Hindi Niya maaaring katawanin ang sinumang tiwaling tao. Ang Diyos ay Diyos Mismo, at ito ay hindi maitatanggi.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

15. Ang diwa ng Diyos mismo ay humahawak ng awtoridad, subali’t Siya ay may kakayahang lubusang magpasakop sa awtoridad na nagmumula sa Kanya. Maging ito man ay gawain ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, ang isa ay hindi sumasalungat sa isa. Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Ang katawang-taong may diwa ng Diyos ay nagtataglay din ng awtoridad, subali’t ang Diyos sa katawang-tao ay may kakayahang gawin ang lahat ng gawain na sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit. Ito ay hindi maaaring makamtan o maisipan ng kahit sinong tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, subali’t ang Kanyang katawang-tao ay maaaring magpasakop sa Kanyang awtoridad. Ito ang panloob na kahulugan ng mga salitang: “Si Cristo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos Ama.” Ang Diyos ay Espiritu at may kakayahang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng kakayahang maging tao ng Diyos. Kunsabagay, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng Kanyang sariling gawain; hindi siya gumagambala o nakikialam, lalong hindi nagsasakatuparan ng gawaing magkasalungat, sa kadahilanang ang diwa ng gawaing ginawa ng Espiritu at ng katawang-tao ay magkatulad. Maging ito man ay ang Espiritu o ang katawang-tao, magkatulad Silang gumagawa upang matupad ang iisang kalooban at upang pamahalaan ang magkatulad na gawain. Bagaman ang Espiritu at ang katawang-tao ay may dalawang magkaibang katangian, ang Kanilang mga diwa ay magkatulad; kapwa Silang may diwa ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Ang Diyos Mismo ay walang mga elemento ng pagsuway; ang Kanyang diwa ay mabuti. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pag-ibig. Kahit nasa katawang-tao, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anuman na sumusuway sa Diyos Ama. Kahit na sa paggugol ng pagsasakripisyo ng Kanyang buhay, Siya ay buong-pusong papayag at walang ibang pinipili. Ang Diyos ay walang mga elemento ng pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, o kahit na kapalaluan at pagmamataas; Siya ay walang elemento ng kabuktutan. Lahat ng sumusuway sa Diyos ay nanggagaling kay Satanas; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Kaya ang tao ay may mga katangian na katulad ng kay Satanas ay dahil sa ang tao ay nagawa nang tiwali at naimpluwensyahan ni Satanas. Si Cristo ay hindi pa nagawang tiwali ni Satanas, kaya Siya ay mayroon lamang mga katangian ng Diyos at wala niyaong kay Satanas. Kahit gaano kahirap ang gawain o kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang Siya ay nabubuhay sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gumagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na ang pagpapabaya sa kalooban ng Diyos Ama nang dahil sa pagsuway. Mas pipiliin pa Niyang magdusa ng mga sakit ng katawang-tao kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; ito ay kagaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” Ang tao ay pipili, subali’t si Cristo ay hindi. Bagaman Siya ay may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahanap pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga nagmumula kay Satanas ay hindi magkakaroon ng diwa mula sa Diyos, kundi tanging yaong sumusuway at lumalaban sa Diyos. Ito ay walang kakayahang lubos na sumunod sa Diyos, lalo na ang buong-loob na sumunod sa kalooban ng Diyos. Lahat ng taong wala kay Cristo ay kayang gawin yaong lumalaban sa Diyos, at wala ni isang tuwirang makagagawa ng gawaing ipinagkatiwala ng Diyos; walang kahit isa ang may kakayahang ipalagay ang pamamahala ng Diyos bilang kanilang sariling tungkulin na dapat gampanan. Ang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos Ama ay ang diwa ni Cristo; ang pagsuway laban sa Diyos ay ang katangian ni Satanas. Ang dalawang katangiang ito ay hindi magkaayon, at kung sino man ang may mga katangian ni Satanas ay hindi matatawag na Cristo. Ang dahilan kung bakit ang tao ay walang kakayahang gawin ang gawain ng Diyos kahalili Niya ay dahil sa ang tao ay wala kahit isang diwa ng Diyos. Ang tao ay gumagawa para sa Diyos para sa pansariling kapakanan ng tao at ng kanyang mga inaasam-asam sa hinaharap, subali’t si Cristo ay gumagawa upang matupad ang kalooban ng Diyos Ama.

—mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

16. Ang pagkatao ni Cristo ay pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Bagaman Siya ay nasa katawang-tao, ang Kanyang pagkatao ay hindi lubusang katulad ng tao sa laman. Siya ay may sariling natatanging karakter, at ito rin ay pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay walang kahinaan; ang kahinaan ni Cristo ay tumutukoy sa Kanyang pagkatao. Sa isang tiyak na antas, ang kahinaang ito ay pumipigil sa Kanyang pagka-Diyos, subali’t ang gayong mga hangganan ay nakapaloob sa isang tiyak na sakop at panahon, at hindi walang-hangganan. Pagdating naman sa panahon ng pagtupad ng gawain ng Kanyang pagka-Diyos, ito ay ginagawa nang hindi alintana ang Kanyang pagkatao. Ang pagkatao ni Cristo ay ganap na tuwirang pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Bukod sa karaniwang buhay ng Kanyang pagkatao, lahat ng iba pang pagkilos ng Kanyang pagkatao ay iniimpluwensyahan, naaapektuhan at pinapatnubayan ng Kanyang pagka-Diyos. Bagaman si Cristo ay may pagkatao, ito ay hindi nakakagambala sa gawain ng Kanyang pagka-Diyos. Ito ay tiyak na dahil sa ang pagkatao ni Cristo ay pinapatnubayan ng Kanyang pagka-Diyos; bagaman ang Kanyang pagkatao ay hindi angkop sa Kanyang kilos tungo sa iba, ito ay hindi nakakaapekto sa karaniwang gawain ng Kanyang pagka-Diyos. Kapag sinabi Ko na ang Kanyang pagkatao ay hindi nagawang tiwali, ang ibig Kong sabihin ay ang pagkatao ni Cristo ay maaaring tuwirang mapangunahan ng Kanyang pagka-Diyos, at Siya ay may mas mataas pang pandama kaysa roon sa karaniwang tao. Ang Kanyang pagkatao ay pinakanababagay sa pagiging pinangungunahan ng pagka-Diyos sa Kanyang gawain; ang Kanyang pagkatao ay pinaka-may-kakayahang magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos, at pati na rin pinaka-may-kakayahang magpasakop sa ganoong gawain.

—mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

17. Ang unang nagkatawang-taong Diyos ay hindi tinapos ang pagkakatawang-tao; tinupad lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangan para sa Diyos na gawin sa katawang-tao. Kaya, upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao, ang Diyos ay bumalik sa katawang-tao sa isa pang pagkakataon, isinasabuhay ang lahat ng pagiging-karaniwan at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ginagawa ang Salita ng Diyos na hayag sa lubusang normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawain na Kanyang iniwan na hindi natapos sa katawang-tao. Ang ikalawang nagkatawang-taong laman ay katulad ng una sa kakanyahan, nguni’t ito ay mas makatotohanan, mas normal kaysa una. Bilang isang kinahinatnan, ang paghihirap na tiniis ng ikalawang nagkatawang-taong laman ay mas higit kaysa roon sa una, nguni’t ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa mga paghihirap ng tiniwaling tao. Ito rin ay nagmula sa pagiging-karaniwan at realidad ng Kanyang katawang-tao. Dahil ginagampanan Niya ang Kanyang ministeryo sa lubos na normal at totoong katawang-tao, ang katawang-tao ay dapat magtiis ng higit na matinding paghihirap. Habang mas normal at totoo ang katawang-tao, mas higit Siyang magdurusa sa pagganap ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinahahayag sa napaka-pangkaraniwang laman, isa na kailanma’y hindi higit-sa-karaniwan. Dahil ang Kanyang katawang-tao ay normal at dapat ding pasanin ang gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ay nagdurusa nang mas matindi pa sa higit-sa-karaniwang katawang-tao—ang lahat ng pagdurusang ito ay nagmula sa realidad at normalidad ng Kanyang katawang-tao. Mula sa napagdaanan nang paghihirap ng dalawang nagkatawang-taong laman na habang gumaganap sa Kanilang mga ministeryo, makikita ng isa ang kakanyahan ng nagkatawang-taong laman. Habang mas normal ang laman, mas higit na kahirapan ang Kanyang dapat tiisin habang gumaganap ng gawain; habang mas totoo ang laman na gumaganap ng gawain, mas masaklap ang mga nagiging pagkaunawa ng tao, at mas maraming panganib ang maaaring mangyari sa Kanya. At gayon pa man, habang mas tunay ang laman, at habang ang laman ay mas higit na nagtataglay ng mga pangangailangan at ganap na pakiramdam ng isang karaniwang tao, ay mas may kakayahan Siya na gampanan ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang katawang-tao ni Jesus ang siyang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao na isinuko Niya bilang handog para sa kasalanan; ito’y sa pamamagitan ng laman na may karaniwang pagkatao na tinalo Niya si Satanas at ganap na nailigtas ang tao mula sa krus. At ito ay bilang isang ganap na laman na ang pangalawang nagkatawang-taong Diyos ay gumaganap ng panlulupig na gawain at tinatalo si Satanas. Tanging ang katawang-tao na ganap na karaniwan at totoo ang makagaganap ng panlulupig na gawain sa kabuuan nito at makagagawa ng malakas na patotoo. Iyon ay upang sabihin, ang gawain ng[b] panlulupig sa tao ay ginagawang epektibo sa pamamagitan ng realidad at pagiging-karaniwan ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at mga pagbubunyag. Ang ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos na ito ay upang magsalita, at sa gayong paraan ay lupigin at gawing perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayong paraan ay lupigin, ibunyag, gawing perpekto, at alisin nang ganap ang tao. At sa gayon, nasa panlulupig na gawain kung saan matatapos nang buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang unang pantubos na gawain ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; ang katawang-tao na siyang gumagawa ng panlulupig na gawain ay tatapusin ang buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa’y babae; sa ganito ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay natapos na. Inaalis nito ang maling mga pagkaintindi ng tao sa Diyos: ang Diyos ay maaaring maging lalaki at babae, at ang nagkatawang-taong Diyos sa kakanyahan ay walang kasarian. Ginawa Niya ang parehong lalaki at babae, at hindi Niya pinag-iiba ang mga kasarian. Sa yugtong ito ng gawain ang Diyos ay hindi nagpapakita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, upang makamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Ang dahilan nito, bukod dito, ay sapagka’t ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito ay hindi upang pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang likas na abilidad na taglay nitong nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sambitin ang mga salita at lupigin ang tao, hindi para pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa karaniwang pagkatao ay hindi upang gumawa ng mga milagro, hindi magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, at sa gayon ang ikalawang nagkatawang-taong laman ay mas mukhang karaniwan sa mga tao kaysa roon sa una. Nakikita ng mga tao na ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi kasinungalingan; subali’t itong nagkatawang-taong Diyos ay iba sa nagkatawang-taong si Jesus, at kahit Sila’y parehong nagkatawang-taong Diyos, Sila’y hindi ganap na magkatulad. Si Jesus ay nagtaglay ng karaniwang pagkatao, ordinaryong pagkatao, nguni’t Siya’y sinamahan ng mga palatandaan at mga kababalaghan. Sa ganitong Diyos na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga palatandaan o mga kababalaghan, kahit ang magpagaling ng maysakit o ang magpalayas ng mga demonyo, o ang paglalakad sa dagat, o ang pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang kaparehong gawain na ginawa ni Jesus, hindi dahil ang Kanyang katawang-tao ay naiiba kay Jesus sa kakanyahan, kundi dahil sa hindi Niya ministeryo ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawa, hindi Niya ginagambala ang Kanyang sariling gawain. At dahil nilulupig Niya ang tao gamit ang Kanyang tunay na mga salita, hindi kinakailangan na supilin siya ng mga milagro, at kaya ang yugtong ito ay upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao.

—mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao



Buong Teksto: https://tl.kingdomsalvation.org/mysteries-of-incarnation.html